Pagkatapos ang kumpirmasyon na siya ang tinanghal na Box Office Queen for 2010 ng Guillermo Mendoza Memorial Foundation dahil sa laki ng kinita ng Ang Tanging Ina Mo: Last Na 'To, sasabak muli sa drama si Ai-Ai delas Alas.
Si Vic Sotto at Sen. Bong Revilla naman ang Box Office Kings for 2010 para sa pelikulang Si Agimat at si Enteng Kabisote.
Gagampanan ni Ai-Ai ang role ng isang ina sa Mother's Day special ng Maalala Mo Kaya, patunay na hindi lang sa pagpapatawa magaling ang Queen of Comedy, angat din siya pagdating sa drama.
"Sabi ko nga napaka-blessed ko saka natutuwa ako sa staff ng MMK, kay Ma'am Charo. Isa itong special occasion, napakaimportante sa akin kasi lahat naman tayo sine-celebrate ang Mother's Day. Napa-special nito sa akin lalo't isa rin akong ina, lalong-lalo na kung binibigyan ka ng magagandang eksena kaya iniisip ko, kailangan ko talagang galingan."
Ayon kay Ai-Ai, maganda ang kanyang mga eksena at ang huhusay din ng mga kasama niya sa episode na ito ng MMK.
"Drained ako, after ng eksena nung 9 a.m., natulog ako saglit, napagod kami kasi ang intense. Kasama ko dito sila John Arcilla, ang aking Papa, tapos may tatlo kaming anak. Tungkol siya sa isang pamilya na nagdanas ng napakalaking problema.
"Magagaling ang mga bata kaya di kami masyadong nahirapan kapag kami ang magkakaeksena. Given na naman na magaling si Papa John, isa siya sa napakagaling nating artista. Given na 'yun na magaling siyang artista kaya kailangang pantay lang kami. Hindi ako puwedeng magpakabog kasi lagot ako kay Papa di ba? Napakahusay niya, kakainin ka nun nang buhay kaya dapat wag kang magpakabog sa aktingan."
Masayang-masaya si Ai-Ai sa kumpirmasyon na siya na talaga ang 2010 Box Office Queen.
"Thank you naman at sa pagpapatuloy ng aking saga—di ba saga ko yan na parati na lang ang daming ganito, dapat ganyan? Siguro nagkataon na itong suwerteng ito, talagang para sa akin kaya thank you sa Guillermo Foundation at sa lahat ng sumuporta sa akin at sa Tanging Ina.
"Kungdi naman sa magagandang mga eksena, hindi ko naman makakamit yung Box Office Queen so maraming-maraming salamat sa inyong lahat. Ang maipapangako ko lang sa kanila ay bibigyan ko pa sila ng magagandang pelikula para maaliw naman yung mga manonood."
Sa laki ng kinikita ng mga MMFF entries ni Ai-Ai, siya uli ang pambato ng Star Cinema sa darating na 2011 Metro Manila Film Festival.
"Ako ulit. Isang malaking pressure at blessing kasi pinagkakatiwalaan ako ng Star Cinema lalo na sa pelikulang gagawin ko na sobrang nakakatuwa. Isang napakalaking blessing niyan at alam kong matutuwa ang mga moviegoers pag mapanood nila."
Bali-balita rin na isang pelikula din daw ang nakalinyang gagawin ni Ai-Ai with Cesar Montano.
"Aaah, hindi pa. Pinag-uusapan pa namin ni Cesar. Ano lang yun, casual lang naming napag-usapan na gagawa kami ng indie film. Sabi nga niya pag kami raw ang gumawa ng indie film, hindi na indie yun, pelikula na talaga yun. Sabi ko nga hayaan mo na ang gawin namin ay indie para aktingan kami to the max. Ako, gusto ko action-drama."
Dahil uso ngayon ang pakiki-merge ng Star Cinema sa ibang film outfits, excited ang comedienne na makatrabaho ang ibang malalaking artista na pangarap na niyang makatrabaho noon pa man.
"Lahat naman open tayo. Maganda yun, dream ko na makasama ang mga malalaking mga artista. Ang dami ko pang dream na makatrabaho like si Ate Vi (Santos), si Tito Dolphy, si Aga (Muhlach), maski nakasama ko na siya sa TV, di ko pa siya nakakasama sa pelikula. Siyempre pa si Bossing Vic (Sotto), sana makasama ko siya.
"Si Piolo (Pascual), sana magkaroon kami ng pelikula. Gusto ng management na magkapelikula kami, siguro after nito, baka next year. Guesting lang kasi siya before sa Tanging Ina, ngayon mas malaki."
Kasama si Ai-Ai sa Binondo Girl kung saan gaganap siya bilang ina ni Kim Chiu. Excited din siya sa kanyang pagbabalik-teleserye after Betty La Fea.
"Maganda ang istorya ng Binondo Girl. Comedy drama siya pero napakaganda ng plot. Swak kami ni Kim, Si Kim magaling sa drama, magaling sa comedy, saka bonding kami nun kaya madaling katrabaho, may connection.
"Excited akong magbalik-serye kasi last series ko, Agimat pero sandali lang yun. Yung last na mahaba was Betty La Fea pa."
No comments:
Post a Comment